Ano Ang Komunismo?

Ano ang sosyalismo? Ano ang komunismo?

LLCO.org

Balikan natin ang basics. Ano ang sosyalismo? Ano ang komunismo? Kung minsan nakakalimutan natin na hindi alam ng lahat ang basics. Masyadong naputikan ng rebisyunismo ang tubig. Linawin natin ito.

Alisin muna natin ang mga malinaw na miskonsepsyon. Sa kabila ng lahat ng ingay ng mga paranoid na pasista, si Obama ay hindi isang sosyalista o isang komunista. At saka, ang mga sosyal demokrasyang Europeo ay hindi sosyalista o komunista. Iyong mga nagsasabing sosyalista o komunista ang Sweden, France, o si Obama ay hindi lang talaga nila alam ang kanilang sinasabi.

Sa katunayan, walang mga lipunang sosyalista ngayon. Hindi sosyalista ang Cuba. Hindi sosyalista ang Venezuela. Hindi sosyalista ang Iran. Hindi sosyalista ang Byetnam. Hindi sosyalista ang Tsina. Hindi sosyalista ang Libya. Hindi sosyalista ang Hilagang Korea. Ang mga lipunang ito’y maaaring may mga tiyak na katangiang may kaugnayan sa tunay na sosyalismo, pero hindi ibig sabihin na, dahil lamang dito ay, sosyalista na sila. Wala talagang mga lipunang sosyalista ngayon. At hindi na kailangang sabihin na walang mga lipunang komunista ngayon. Sa katunayan, karamihan sa mga tinatawag na organisasyong sosyalista at komunista ay peke; mga rebisyunista sila. Itinataas nila ang bandilang pula para labanan ang bandilang pula. Ang tanging tunay na komunista ngayon ay ang mga komunistang Patnubay Liwanag.

Isa sa pinaka-karaniwang mga miskonsepsyon ay ang sosyalismo ay isa lamang moda ng produksyon na naglalarawan ng isang malaking sektor pang-estado, pagsasabansa ng industriya o malalaking programang pangkagalingan. Lahat ng mga katangiang ito’y naging bahagi ng sosyalismo sa nakaraan, ngunit hindi ito eksklusibo sa sosyalismo. Ang mga pasistang estado, sosyal demokrasyang Europeo, ang liberal na welfare state sa Estados Unidos, ang kapitalismong estado ng rebisyunistang panahon ng Unyong Sobyet at Tsina, ang mga estadong makabayang burges ng Venezuela, Libya, Cuba, Islamikong Republika ng Iran ay pinaghati-hatian ang mga katangiang ito sa anumang paraan, pero hindi sila tunay na sosyalista. Dapat unawain ang sosyalismo sa mga lente ng kapangyarihan, ng tunggalian ng uri. Dapat unawain ang sosyalismo bilang isang transisyon tungo sa komunismo. Ang sosyalismo ay matapos maagaw ng proletaryado ang kontrol sa lipunan. Gumaganap ng pangunahing papel ang proletaryado. Naagaw at naitayo ng proletaryado ang kapangyarihang pang-estado. Sa ibang salita, ang sosyalismo ay kung kailan ang lipunan ay muling binuo para paglingkuran ang mga pangmatagalang interes ng proletaryado. Ibig sabihin nito, ang lipunan ay muling binuo upang makasulong tungo sa komunismo, ang katapusan ng lahat ng pang-aapi. Ang ibig sabihin ng sosyalismo ay hindi pa natin nararating ang huling layunin ng komunismo. Ang sosyalismo ay isang yugtong transisyunal kung saan ang tunggalian ng uri ay kailangan pa ring isulong ng proletaryado laban sa mga reaksyunaryong uri. Ang sosyalismo ay kung kailan mayroon pa ring mga kaaway sa uri na kailangang gapiin. Mayroon pa ring mga antagonistikong kontradiksyon na kailangang maresolba kahit naagaw na ng proletaryado ang kapangyarihang pang-estado. Ang sosyalismo ay maaaring itayo sa isang bansa, ang komunismo ay kinakailangang maging pandaigdigan ang saklaw. Hindi sosyalista ang estadong Hilagang Koreano at Kubano sa kaparehong dahilan na hindi sosyalista ang rehimen ni Obama at ng Sweden. Wala ni isa sa mga rehimeng ito ang sumusulong tungo sa komunismo. Wala ni isa sa mga rehimeng ito ang determinadong muling buuin nang lubusan ang lipunan sa layuning wakasan ang lahat ng pang-aapi. Ang sosyalismo ay magagagap lamang bilang isang transisyon tungo sa komunismo – sumusulong tungo sa komunismo ang ibig sabihin ng binuo ang lipunan batay sa pinaka-farsighted at pangmatagalang interes ng proletaryado.

Ang komunismo ay ang huling layunin ng ating rebolusyon. Ang katapusan ng lahat ng pang-aapi. Ang katapusan ng pagsasamantala. Walang mayaman. Walang mahirap. Walang rasismo. Walang pambansang pang-aapi. Walang seksismo. Walang pang-aaping pangkasarian. Wala nang pang-aapi sa kabataan. Ang komunismo ay kabuuang pagpapalaya. Walang grupo ang may kapangyarihan sa iba. Tulad ng itinuro nina Marx at Lenin, ang estado ay isang sandata para supilin ng isang grupo ang isa pa. Dahil walang grupo ang may kapangyarihan sa iba, hindi na kailangan ang estado sa komunismo. Ang komunismo ay pagkakapantay-pantay. Isang lipunang binuo batay sa pangangailangan ng tao. Walang kasakiman. Walang indibidwalismo. Hindi na ituturing ng mga tao ang kanilang sarili bilang mga indibidwal lamang sa ilalim ng komunismo. Ang komunismo ay kolektibismo. Ang kabutihan ng lahat. Paghahati-hati. Ang pribadong pagmamay-ari ay aalisin sa ilalim ng komunismo. Ang komunismo ay altruismo. Tulad ng sinabi ni Marx, “mula sa bawat isa batay sa kanyang abilidad, para sa bawat isa batay sa kanyang pangangailangan.” Ang etika ng “paglingkuran ang sambayanan” ang mangingibabaw sa lahat ng pakikipag-ugnayan ng tao. Magkakaisa ang mamamayan sa ilalim ng komunismo. Wala nang ako, ako, ako. Ang komunismo ay sustenabilidad. Hindi na sisirain ng tao ang daigdig, ang tahanan nating lahat. May obligasyon tayo sa mga susunod na henerasyon. Ang mga antagonistikong kontradiksyon ay hindi na mananatili sa ilalim ng komunismo. Ang komunismo ay kapayapaan. Sa ilalim ng komunismo, ang rebolusyon ay tumatakbo sa sarili nito. Ang ganap na komunismo ay di kailanman umiral, kahit na nagkaroon na ng iba’t-ibang lipunang katutubo na maraming aspetong may kaugnayan sa komunismo. Tinawag nina Marx at Engels ang ilang lipunang katutubo na “primitibong komunismo.”

May dalawang pangunahing breyktru, dalawang pangunahing alon ng rebolusyon na nagsulong sa sangkatauhan sa sosyalismo tungong komunismo. Ang unang alon ng rebolusyon ay nasimulan noong 1917, ang rebolusyong Bolshevik na pinamunuan ni Lenin. Kahit na ang rebolusyong ito’y tuluyang nabaligtad at naibalik ang kapitalismo noong 1950s, marami tayong natutunan sa karanasang Sobyet. Marami tayong natutunan mula sa panahong Lenin at Stalin, na itinataguyod natin sa paraang, mapanuri, pangkalahatan, at di-dogmatiko. Ang ikalawang alon ng mga rebolusyon ay iyong mga rebolusyong panlipunan na naganap matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig bilang bahagi ng pakikibaka laban sa kolonyalismo. Ang pinakamagaling na representante at ang pinakamahalaga sa lahat ng ito ay ang Rebolusyong Tsino na pinamunuan ni Mao. Sangkapat ng sangkatauhan ang tumindig at nagtangkang lumikha ng isang mas maaliwalas na kinabukasan. Sa lahat ng ating pagsisikap tungong sosyalismo at tungong komunismo, ang pinakasulong na hakbang ay ang Rebolusyong Pangkulturang Tsino, na nagsimula noong 1966 at natapos noong 1970s. Ang Rebolusyong Pangkultura ay isang pagsisikap upang higit pa tayong makasulong sa sosyalismo tungong komunismo. Gagap ng mga Maoista na kung hindi tayo patuloy na susulong tungo sa komunismo, maaaring mabaligtad ang rebolusyon. Isang bagong burgesya ang maaaring lumitaw sa loob ng Partido at estado. Ang Rebolusyong Pangkultura ay inilunsad noong 1966 upang mapigilan ang bagong burgesya at upang higit pa tayong makasulong tungo sa komunismo. Kasagsagan nito noong 1967 hanggang 1971. Ito’y panahon ng tunggalian ng uri, mga kilusang masa, radikal na eksperimentong panlipunan, komunisasyon, at sulong na kagawiang panlipunan at pangkultura. Kultura, ang programa ng lipunan, ay binago nang husto. Sinikap ng mga Maoista na palitan ang burukratikong kontrol ng pagpoprogramang kultural sa panlipunang pagkilos, sa ganito malalatag ang batayan para sa pagkalusaw ng estado at pagkamit sa komunismo. Ang egalitaryanismo at altruismo ay itinaguyod. Ito’y panahon kung kailan nagsimula tayong mag-eksperimento sa mga bagong porma ng pamamahalang panlipunan, mga bagong porma ng kapangyarihan. Ang tradisyunal na estado ay di binigyang pansin sa isang sandali, lumitaw ang bagong kapangyarihan at mga kagawian. Sumulong ang kolektibismo. Humina ang indibidwalismo. Noong panahon ng Rebolusyong Pangkultura, sa kabila ng lahat ng kapintasan nito, mas lalong lumalim ang pananaw natin. Nasilip natin kung ano ang maaaring maging itsura ng isa pang daigdig, isang komunistang daigdig.

Perpekto ba ang Rebolusyong Pangkultura? Syempre naman hindi. Ito ay nagapi. Ang kapitalismo ay ibinalik sa Tsina noong 1970s ng mga rebisyunista, ng isang bagong burgesya. Sinabi ni Mao na kakailanganin ang maraming Rebolusyong Pangkultura upang maabot ang komunismo. Gayunman, ang Rebolusyong Pangkultura ay ang pinakasulong na hakbang sa sosyalismo tungong komunismo. Sa susunod, kapag may kapangyarihan na naman tayo, higit pa tayong susulong patungong komunismo. Ang rebolusyonaryong kasaysayan ay isang dakilang eksperimentong syentipiko. Dapat tayong matuto sa nakaraan, mula sa mga kabiguan at tagumpay natin. Patuloy tayong lilikha ng rebolusyon hanggang sa maabot natin ang komunismo. Ngayon, nasa atin na ang bagong breyktru ng Komunismong Patnubay Liwanag. May plano na tayo. May pamunuan na tayo. May organisasyon na tayo, ang Organisasyong Komunistang Patnubay Liwanag – isang taliba na bagong tipo para matulungan tayong masimulan ang susunod na malaking alon.

Ito’y panahon ng taghirap at taggipit. Walang mga estadong sosyalista. Iilan lamang ang mga tunay na komunista. Iilan lamang ang mga Patnubay Liwanag sa langit. Sa madilim na panahong ito ay makikita natin kung sino ang totoo at kung sino ang hindi. Habang lumalaki ang ating kilusan, mas magiging mahirap sabihin kung kaninong puso ang dalisay. Tingnan ang paligid. Ngayon. Ito ang mga Patnubay Liwanag. Ito ang mga magdadala sa atin sa kinabukasan. Ito ang mga bumabagtas sa maningning na landas patungong komunismo. Wala nang ibang mas maganda o mas dakila pa sa komunismo. Ito’y landas na mahirap. Ito’y isang mapanganib, na mahabang martsa. Mawawalan tayo ng mga kasama. Makakagawa tayo ng mga pagkakamali. Magkakaroon ng mga pagpihit at pagliko. May mahihirap na panahon na gusto na nating sumuko. Dapat nating tandaan na mararating din natin ang komunimo, oras lang ang kailangan. Ang pakikipaglaban para sa komunismo ay isang matagalang pakikipaglaban. Maliliit na hakbang at malalaking igpaw. Wala nang ibang mas mapanlikha, wala nang ibang mas maganda, mas mapangahas sa pakikipaglaban para sa komunismo. Tayo’y nasa isang dakilang pakikipagsapalaran. Lilikha tayo ng kasaysayan. Kailangan nating mabuhay para sa komunismo. Kailangan nating mamatay para sa komunismo. Wala nang ibang mas dakilang layunin.

Mapulang Pagpupugay!
Sundan ang mga Patnubay Liwanag tungo sa komunismo!
Mabuhay ang mga Patnubay Liwanag!

Leave a Reply