Mabilisang tingin sa ilang pagkakamali ni Mao

Mabilisang tingin sa ilang pagkakamali ni Mao

LLCO.org

Si Mao Zedong ang pinakadakilang rebolusyonaryo ng nakaraang siglo. Pinangunahan ni Mao ang sangkapat ng daigdig sa pagtatapon ng mga kadena ng imperyalismo, pyudalismo at kapitalismo. “Ang Tsina ay tumindig,” inihayag niya mula sa paanan ng Tian’anmen. Sangkapat ng populasyon ng daigdig ay ipinagkatiwala ang lahat sa rebolusyon ni Mao, upang magtayo ng isang bagong daigdig na walang pang-aapi. Mula sa karanasang ito, nailuwal ang Maoismo. Ang Maoismo ay isang igpaw sa ating syentipikong pagkaunawa sa kung paano gumawa ng rebolusyon. Kahit na ang Maoismo ay hindi lamang pag-aari ni Mao, ang kanyang mga kasulatin ay nagsilbi nitong pangunahing puntong sanggunian. Ang pinakamalaking regalo ni Mao sa sangkatauhan ay ang kanyang kontribusyon sa Maoismo. Ang Maoismo ay isang susing hakbang sa pag-unlad ng Komunismong Patnubay Liwanag, ang pinakamataas na tugatog ng rebolusyonaryong syensya. Pinangungunahan ng Komunismong Patnubay Liwanag ang pandaigdigang pakikibaka ngayon. Ang aming pinakamalaking pagkakautang ay kay Mao. Gayunman, mahalagang makilala ang kaibhan sa pagitan ni Mao at ng Maoismo, at sa pagitan ni Mao at ng Komunismong Patnubay Liwanag. Hindi perpekto si Mao. Sa kabila ng lahat ng kanyang tagumpay, nakagawa pa rin siya ng malalaking pagkakamali. Sa isang bahagi, ang Komunismong Patnubay Liwanag ay tugon sa mga pagkakamaling ito.

First Worldismo

Ang mga Third Worldistang pananaw ay makikitang nakikipagsagupaan sa mga First Worldistang pananaw sa buong kasaysayan ng kilusang komunista. Ngunit ang First Worldismo ang naging dominanteng pananaw. Si Mao, sa kasamaang-palad, ay minana ang First Worldistang dogma. Si Mao ay hindi kailanman kumalas sa kaisipan na ang nakakaunting elitista lamang sa loob ng Unang Daigdig ang nagsasamantala at nang-aapi sa higit na nakararami. Hindi siya kailanman kumalas sa kaisipan na ang nakararaming mamamayan ng Unang Daigdig, kabilang ang nakararaming uring manggagawa ng Unang Daigdig, ay mga kapanalig ng pandaigdigang rebolusyon. Bukod pa rito, ang pananaw ni Mao sa Estados Unidos ay sumasalamin sa pagkakamaling ito. Halimbawa, inihayag ni Mao:

“Ang mamamayang Tsino ay mahigpit na sumusuporta sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Amerikano. Kumbinsido ako na ang mamamayang Amerikano na siyang matapang na lumalaban ang magkakamit ng tagumpay sa kalaunan…” (1)

“Sa loob ng Estados Unidos, ang reaksyunaryong naghaharing pangkatin ng mga puti lang ang nang-aapi sa mamamayang Negro. Hindi nila mapapangatawanan sa anumang paraan ang mga manggagawa, magsasaka, rebolusyonaryong intelektwal, at iba pang taong naliwanagan na siyang bumubuo sa higit na nakararaming mamamayang Puti. Sa kasalukuyan, iilang imperyalista, na pinangungunahan ng Estados Unidos, at ng kanilang mga taga-suporta, ang mga reaksyunaryo sa iba’t-ibang bansa, ang siyang nagsasagawa ng pang-aapi, agresyon at pananakot laban sa higit na nakararaming mga bayan at mamamayan ng daigdig. Sila ang nakakaunti, tayo ang nakararami. At tiyak na binubuo nila ang mas mababa pa sa sampung porsyento ng 3,000 milyong mamamayan ng daigdig.” (2)

Dagdag pa, bigo si Mao na kilalanin ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ng Itim bilang isang pakikibaka laban sa pananakop ng Puti. Bagkus, inakala ni Mao na ang pakikibaka sa Estados Unidos ay kinabibilangan ng mga Puti bilang kabuuan.

“Ang pakikibaka ng mamamayang Itim sa Estados Unidos at ang kilusang manggagawang Amerikano ay tiyak na magkakaisa, at sa kalaunan wawakasan nito ang kriminal na paghahari ng uring monopolyo kapitalistang U.S.” (3)

Hindi nagbago ang First Worldismo ni Mao sa buong buhay niya. Inulit-ulit ng Partido Komunista ng Tsina ang First Worldismo ni Mao sa buong buhay nito. Gayunman, noong panahong Lin Biao mula 1965 hanggang 1971, ang retorikang First Worldista ng PKT, sa ilang pagkakataon, ay halos naglaho sa paningin. Ganito talaga ang lagay mula 1965 hanggang 1968. Sa katunayan, noong mga taong ito, may isa pang linyang lumitaw sa mga pahayagang Tsino kasabay ng First Worldismo. Ang linyang lumitaw ay iyong ipinagwalang-bahala o binura ang mga pakikibaka ng Unang Daigdig. Ang linyang ito’y ang linya ng artikulo ni Lin Biao noong 1965 na pinangalanang Mabuhay ang Tagumpay ng Digmang Bayan! Kinilala ni Lin Biao ang kontradiksyon ng pandaigdigang kalunsuran laban sa pandaigdigang kanayunan, ng mga bansang mapagsamantala laban sa mga bansang pinagsasamantalahan, atbp., bilang siyang pangunahing kontradiksyon. Sa kasagsagan ng Rebolusyong Kultural noong 1967, ang Beijing Review, halimbawa, ay naglabas ng artikulo ni Robert F. Williams na pinakahulugan ang linya ni Lin Biao:

“Alinsunod sa mga prinsipyo ng digmang bayan, kung saan ang malawak na masa ng pinagsasamantalahang mamamayan ng daigdig ay kumakatawan sa mga eryang rural na pumapalibot sa mga lungsod (ang mga bansang industriyal na nagsasamantala), ang mga rebolusyonaryong Apro-Amerikano ay kumakatawan sa isang malakas na urban underground sa loob ng lungsod.” (4)

Maaari nating ipagpalagay na mayroong tunggalian sa loob ng Partido Komunista ng Tsina tungkol sa kung paano susuriin ang mga populasyon ng Unang Daigdig. Sa paglalathala kay Robert F. Williams, na hindi pumapailalim sa disiplina ng Partido, ang linyang minorya ay napapalabas sa midya paminsan-minsan. Sa kasamaang-palad, ang linyang Lin Biao ay di nagtagumpay laban sa First Worldistang dogma na itinaguyod ni Mao.

Ang kabiguang ipagpatuloy ang Rebolusyong Kultural: patakarang panloob, gumagapang na kapitalismo

Ang ibang mga pagkakamali ay nakapalibot sa pagpihit pakanan ni Mao kasunod ng Ikasiyam na Kongreso noong Abril ng 1969. Pagpasok sa 1970s, si Mao ay pumihit pakanan sa parehong patakarang panloob at panlabas. Noong bumaling si Mao sa kanan, pumasok siya sa sitwasyon ng di pagkakaunawaan sa maraming Maoista. Noong itinigil ang mga ispontanyong kilusang masa, pinurga ang lahat ng “ultra-kaliwa” sa Cultural Revolution Group sa katapusan ng 1967 hanggang 1968. Si Wang Li, ang bayani ng Wuhan Incident, na siyang unang nag-theorize ng “pagpapatuloy sa rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado,” ay pinurga sa katapusan ng 1967. Si Guan Feng at Qi Benyu ay pinurga rin. Binigyang wakas nito ang mga ispontanyong kilusang masa at mga pag-agaw sa kapanyarihan mula sa ibaba. Noong 1970, nawalan ng kapangyarihan si Chen Boda. Noong 1971, nawalan ng kapangyarihan at namatay si Lin Biao. Sina Chen Boda at Lin Biao ang responsable sa sistematisasyon at pagpapaunlad ng Maoismo bilang panibagong yugto ng Marxismo. Inakusahan si Lin Biao ng tangkang pagpaplano ng kudeta, ngunit wala namang naipakitang ebidensya na kapani-paniwala para masuportahan ang pahayag na ito. Ang “ebidensya” na naipakita sa paglilitis kay Lin Biao ay walang kwenta, at madalas pinalsipika. Ang kwento ng kudeta ni Lin Biao ang pinakapangit ang yari sa lahat ng police narratives. Nakakawiling isipin, ang Gang of Four, ang mga huli at natitirang nangungunang Maoista noong 1976, sa pag-uulit ng mga palsipikasyon na pumalibot kay Lin Biao, ay maaakusahan din ng pagpaplano ng kudeta.

Pagkatapos ng tagumpay ng Rebolusyong Kultural (1966-1969) at ng Ikasiyam na Kongreso (1969), ang gantimpala ng Maoista ay dapat naging pagbabalik ng mga Maoistang patakarang pang-ekonomya na pinawalang-bisa nina Liu Shaoqi at Deng Xiaoping noong mga taon ng Malaking Igpaw (1958-1962). Ang punto ng Rebolusyong Kultural (1966-1969) ay baligtarin ang gumagapang na kapitalismo sapagkat ang modelong Maoista ay inabanduna noong mga taon ng Malaking Igpaw. Ang pagkatalo na ito noong Malaking Igpaw ang siyang nagtulak kay Mao para simulang pag-usapan ang panganib ng kapitalistang kontra-rebolusyon ng bagong uring kapitalista. Ngunit pagkatapos ng pagwawalis sa kanyang mga katunggali, hindi bumalik si Mao sa Maoistang modelo ng pag-unlad pagkatapos ng Rebolusyong Kultural (1966-1969). Sa halip na kunin ang gantimpala, pinili ni Mao na bumalik sa posisyong halos katulad ng posisyong kompromiso na pinuwersa ng mga rebisyunista sa mga Maoista sa katapusan ng Malaking Igpaw. Ang pagbalik sa isang matibay na Maoistang modelo ng pag-unlad na itinaguyod ng iyong mga nakapaligid kina Chen Boda at Lin Biao, impormal na kilala bilang “Flying Leap”, ay inabanduna. Sa ibang salita, mayroong pag-atras mula sa Maoismo sa kabuuan ng 1970s, lalo na kasunod ng pagtatanggal kay Lin Biao. Sa ilang pagkakataon, bahagi si Mao sa pagpihit sa kanan na ito.

Sa kabuuan ng 1970s, bilang bahagi ng pagpihit, ang mga hatol ay unti-unting nabaligtad at iyong mga nasibak noong Rebolusyong Kultural ay naibalik. Halimbawa, noong 1972, dumalo si Mao sa libing ni Chen Yi at tinukoy siya bilang “kasama.” Samakatwid naghudyat si Mao ng pagbaligtad sa hatol nitong lider ng Adverse Current at masugid na kaaway ng Rebolusyong Kultural. Si Ye Jianying (na sa kalaunan ay nag-orchestrate ng pag-aresto sa Gang of Four noong 1976), at iba pang mga rebisyunista at maka-kanan, ay napromote na may pagsang-ayon ni Mao upang mapunan ang puwang sa kapangyarihan na naiwan matapos pinurga ang lahat ng Maoista sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan.

“Sa aming bansa may mga taong isinusumpa kami, sinasabing kami ay lubusang maka-kaliwa. Sino-sino ba ang aming ‘paksyong maka-kaliwa’? Sila iyong mga may gustong patalsikin ang Premyer ngayon, si Chen Yi bukas, si Ye Jianying sa sunod na araw. Itong tinatawag na “kaliwang” paksyon ay nasa bilangguan na. Ilang taon nang may kaguluhan sa ilalim langit, labanan sa iba’t-ibang panig ng buong bansa, malawakang digmang sibil. Ang dalawang panig ay nagputukan ng baril, isang milyong baril lahat-lahat. Sinuportahan nitong pangkat ng hukbo ang pangkating ito, sinuportahan niyong pangkat ng hukbo ang pangkating iyon, naglalabanan [lahat]. Ang kapangyarihan ay napasakamay niyong pangkating “ultra-kaliwa”… Ang pangunahing tagapagtaguyod sa likod ng entablado [ng pangkating ‘kaliwa’] ay hindi na namin kapiling, [siya ay si] Lin Biao.” (5)

Ang pinakapamosong halimbawa ay iyong kay Deng Xiaoping. Noong Rebolusyong Kultural, Si Deng Xiaoping ay sinibak at inilarawan bilang “ikalawang taong nasa kapangyarihan na tumatahak sa kapitalistang landas.” Noong 1972, binago ni Mao ang kanyang tono. Sinabi ni Mao na ang problema kay Deng Xiaoping, na sa panahong iyon ay ipinatapon sa Jiangxi, ay isang “kontradiksyon sa pagitan ng mamamayan.” (6) Si Deng Xiaoping ay ibinalik sa pwesto noong 1974 sa isang mataas na tungkulin sa pamunuan na may basbas ni Mao. Si Deng Xiaoping sa kalaunan ay mangunguna sa kumpletong paglalansag sa sosyalismo noong 1980s. Kahit na madalas napapalaban sa mga rebisyunista sa ilang pagkakataon, nag-urong-sulong at bumaling-baling si Mao. Sa ilang pagkakataon, ipinagtanggol pa ni Mao ang mga rebisyunista. Kahit na higit sa isang beses nasibak sa pwesto si Deng Xiaoping, ipinagtanggol siya ni Mao. Halimbawa, personal na nakialam si Mao upang ihiwalay ang kaso ni Deng Xiaoping mula kay Liu Shaoqi noong kasagsagan ng Rebolusyong Kultural (1966-1969). Kung gayon ay iniligtas ni Mao si Deng Xiaoping, pinayagan siyang makabalik. Nabigo si Mao na ipagpatuloy ang Rebolusyong Kultural hanggang wakas.

Mga pagkakamali sa pananaw-sa-daigdig at patakarang panlabas

Mayroon ding mga ginawang pagkakamali sa patakarang panlabas at pananaw-sa-daigdig. Tama na kumalas si Mao sa mga sosyal-imperyalistang Sobyet, sa isang bahagi, dahil ang mga Sobyet ay sila rin ang naging imperyalista at nagsimulang humanay sa mga Kanluraning imperyalista. Ngunit, noong 1970s, nakita ng PKT ang sarili nito na humahanay sa mga Kanluraning imperyalista. Ang pagpihit pakanan na ito ay bahagi ng di pagtanggap ni Mao sa pananaw ni Lin Biao na pandaigdigang digmang bayan. Iniuugnay si Lin Biao sa linyang dapat ipalaganap ng Tsina ang pandaigdigang digmang bayan na ginagabayan ng Maoismo. Konektado ang linyang Lin Biao sa pagpapalaganap ng Maoismo sa buong daigdig. Inilagay ng linya ni Lin Biao ang Tsina sa sitwasyon ng di pagkakaintindihan sa halos bawat estado sa daigdig maliban sa mga rebolusyonaryo at makabayan. Itinaguyod ng linyang Lin Biao ang paglaban sa parehong Kanluraning imperyalismo na pinangungunahan ng Estados Unidos at sosyal-imperyalismo nang sabay-sabay. Ang linyang Lin Biao na tama ay inilarawan ni Mao bilang ultra-kaliwa. Sing aga ng 1969, Itinalaga ni Mao ang mga taong tulad nina Chen Yi at Deng Xiaoping para gumawa ng panibagong linya. Sa kalaunan, inirerekomenda ng linyang anti-Lin Biao ang pahiwatig na alyansang Tsino-US laban sa Unyong Sobyet, na inilarawan ng PKT bilang “ala-Hitler.” Ito ay pinangatwiranan ng “Teorya ng Tatlong Daigdig” ng 1970s (Hindi dapat ipagkamali sa Maoismo-Third Worldismo). Si Deng Xiaoping ang pangunahing tagapagsalita ng linya at teorya na ito noong 1970s. Kinontra ng paksyon ni Lin Biao ang reaksyunaryong pagbago ng patakarang panlabas at pananaw-sa-daigdig. Ang huling yugto ng panibagong, reaksyunaryong linya ay ang pagsuko ng buo sa imperyalismo na nangyari sa ilalim ni Deng Xiaoping noong 1980s. Ang Tsina, na siyang nagsilbing tanglaw para sa mga inaaping bayan sa lahat ng dako, ay sa ngayo’y parang nagpapatalo. Ang reaksyunaryong linya na ito ay may epekto na nakapaninira sa mga kilusang impluwensyado ni Mao sa pandaigdigan.

Mahihirap na hamon ang haharapin ng rebolusyonaryong kilusan sa mga susunod na taon. Walang mga estadong sosyalista. Sa ganitong lagay, kailangang umaksyon ng mga rebolusyonaryong syentista. Tungkulin natin na iwasan ang mga pagkakamali ng nakaraan. Kinakailangan nito ang mahigpit na pagsusuri sa kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan. Wala tayong papalampasin. Ngayon, ang Komunismong Patnubay Liwanag ay naghahawan ng landas sa pagwawasto ng mga salaysayin habang ang iba ay nagpapalaganap ng mga egotistang palsipikasyon. Kailangan nating bitbitin ang kung ano ang tama sa mga nakaraang kilusan, itaas at paunlarin iyon. Kailangan nating itapon ang lahat ng mali.

Mga tala

1. http://marxistleninist.wordpress.com/2009/12/23/mao-zedong-i-place-my-hopes-on-the-people-of-the-u-s/#more-4326

2. Mao Zedong, “Statement Supporting the Afro-Americans in Their Just Struggle Against Racial Discrimination by U.S. Imperialism” (August 8, 1963). Retrieved from: http://marxistleninist.wordpress.com/2008/12/26/two-articles-by-mao-zedong-on-the-african-american-national-question/

3. Mao Zedong, “Statement by Comrade Mao Tse-tung, Chairman of the Central Committee of the Communist Party of China, in Support of the Afro-American Struggle Against Violent Repression” (April 16, 1968). Retrieved from: http://marxistleninist.wordpress.com/2008/12/26/two-articles-by-mao-zedong-on-the-african-american-national-question/

4. Beijing Review (August 18,1967).

5. Teiwes, Fredrick C. The End of the Maoist Era. M. E. Sharpe. Inc. USA: 2007. p. 1 of introduction.

6. Prairie Fire. Two Roads Defeated part 2 of 3. Retrieved from: https://llco.org/two-roads-defeated-in-the-cultural-revolution-part-2-lin-biaos-road/

Leave a Reply